Sunday, October 14, 2007

TULA 5

Payong
ni: Charmaine Anne B. Dela Cruz


Tuwing tag-ulan,
payong ang dala.
Gamit na pasan,
di mababasa.


Buhos ng tubig,
kayang iwasan.
Ito'y pag-ibig,
di mawawakasan.

Thursday, October 11, 2007

TULA 4

Pamilya
ni: Charmaine Anne B. Dela Cruz

May mga Pamilya na masaya,
ang mga ngiti nila ay abot tenga.
May mga pamilya na malungkot,
nakikita mong laging nakasimangot.

May mga pamilya na puno ng galit,
Sambakol na mukha saan man ay bitbit.
May mga pamilya na hiwa-hiwalay,
Ang buhay nila ay walang kulay.

Iba't-ibang karakter ang pinapakita,
Iba't-ibang lasa parang magnolia.
May mapait, maasim at matamis,
Hinding-hindi ito maalis.

MAIKLING KUWENTO 2

Sakripisyo at Sikap
ni: Gabrielle Anne P. Cruzado

Isang mabait na ama si Protasyo. Siya ay masipag at maasahan. Gagawin niya ang lahat upang mapasaya ang kanyang mga anak. Kahit mahirap lamang sila, masayang pamilya ang makikita mo sa kanila. Ngunit hindi sa araw na ito.

Pagod na pagod na siya, naglalakad papunta sa isang magarang restawran. May hawak-hawak na baril at patalim. Siya ay nakasuot ng maskarang kulay itim. Binuksan niya ang pintuan, sabay pinaputok ang baril at sumigaw na "hold-up ito!"

Hindi naman niya gustong gawin ito. Ano nga ba ang nagtulak sa kanya?

Kaninang umaga nga lang ay masaya siyang umalis sa kanyang bahay, inaalala ang masasayang ngiti ng kanyang mga anak. Ngunit pagdating niya sa pinagtratrabahuhang pabrika, nalaman niya na nalugi ang kompanya at tanggal na siya sa trabaho. Tinanggap niya ang kanyang huling suweldo. Malungkot na hinahawakan ito, at inisip kung paano niya ipagkakasya ito sa isang buwang paghahanap ng bagong trabaho.

Naglalakad na siya sa kalye, bitbit ang huling suweldo sa bulsa. Ngunit bigla na lamang nahablot at nawala ito. Mabilis ang mga kamay ng magnanakaw. "Bakit ganito ang buhay?" Pagkatapos noon tumawag ang isa sa kanyang mga anak. "Kay sarap marinig ang tinig ng isang taong mahal mo. Ngunit ano ito? Isang masamang balita. Naospital daw si bunso dahil sa nasagasaan ng isang malaking trak"

Paano na ito? Walang trabaho, walang pera at puro problema. Mayroon ba siyang nagawang masama? Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Pagkaraan ng isang iglap, hawak- hawak na niya ang baril at lumabas sa kanyang bibig ang mga katagang "hold up ito!"


"Ito na lamang ang tanging solusyon sa aking problema. Ang magnakaw ng pera ng iba." Sabi ni Protasyo.

Nakita niya ang karatula sa la mesa ng restawran, "wanted waiter."
"Isa ba itong pahiwatig? Isang mas tamang solusyon sa aking problema?" tanong niya sa kanyang sarili.


Naliwanagan si Protasyo. Agad siyang tumakbo palabas. Nagtago. Hinubad niya ang maskara at itinago ang baril at patalim. Bumalik siya sa restawran at nag-aply bilang waiter. Isang panibagong simula at tamang desisyon ang ginawa ni Protasyo.


Isang mahalagang aral ang natutunan ni Protasyo ngayon. Sakripisyo at sikap ang solusyon sa problema.

TULA 3

KAIBIGAN
ginawa ng buong grupo

Simula bata, magkakilala na tayo,
Matagal na rin ang ating pinagsamahan.

Kung minsan tayo'y nagaasaran.
Bawat segundo ng ating pagsasama,
aking pinahahalagahan.
dahil ganyan kita kamahal.

Ikaw lamang ang aking pinagkatiwalaan.
Sa dami ng aking kaibigan,
Ikaw lang ang MATALIK kong kaibigan.
Sayo lang ako bukas at tapat.

Hanggang sa ngayon,
Magkaibigan pa rin tayo.
Walang magkapaghihiwalay sa atin.
Kahit na tamaan pa tayo ng kidlat.

Hinding-hindi ko makakalimutan,
ang masasayang alaala nating dalawa.
Sapagkat mahalaga ka sa akin,
naging totoo at tapat ako.

MAIKLING KUWENTO I

Ang Matulunging Payaso
ni: Gabrielle Anne P. Cruzado

Sina Juan, Miguel at Tina ay may kaibigang payaso. Ang kanyang pangalan ay Mang Jaime. Si Mang Jaime ay isang mabait at masipag na payaso. Kayang-kaya niyang magpasaya ng kahit na sinong malungkot. Mahal na mahal siya ng mga bata sa kalye. Isang araw, biglang nagkaroon ng malubhang sakit si Mang Jaime. Nagtaka ang mga bata kung bakit wala siya sa karaniwan niyang puwesto. Si Mang Jaime ay walang kamag-anak na mag-aalaga sa kanya. Kaya nung nalaman ng mga bata na siya ay may sakit, dali-dali silang pumunta sa bahay nito. Inalagaan nina Juan, Miguel at Tina si Mang Jaime. Ginawa nila ang lahat upang patawanin at pasayahin siya. Tuwang-tuwa si Mang Jaime sa mga bata at agad siyang gumaling. Simula noon, naging kasama na ni Mang Jaime sina Juan, Miguel at Tina sa pagpapatawa sa mga tao.

Tuesday, October 9, 2007

TULA 2

Magkapatid
ni: Kathleen L. Infante



Sabay kaming pinalaki ng aming mga magulang.
Kahit mga simpleng bagay aming pinag-aawayan,
Katulad ng pagbili ng isang bagong gamit niya.
Ang utol niya ay wala nung katulad ng sa kanya.


Ngunit pagdating sa mga tawanan at sa asaran,
Dito kami nagsisimulang ngumiti at humirit.
Tungkol sa kaninuman lalo na sa lolo at lola,
Na kung minsan ay gumagawa ng gera sa may sala.


Magkakapatid kami na malalayo ang agwat,
Mga pinaghalong mukha ng aming ama at ina.
Ngunit sa ikapagtataka ayaw naming aminin,
Na magkakamukha kami kung ibang tao titingin.


Magkakamukha man kami o hindi ay iba parin,
Dahil mayroon kaming mga hindi gusto at gusto.
May iba’t-ibang ugali, pangarap at mga buhay,
Ngunit sa huli iisa lamang tatakbuhang bahay.


TULA 1

Askal
ni: Kathleen L. Infante


Sa kalsada, isang aso matatagpuan.
Isang hayop lubos na kinaaawaan,
Paminsan-minsan ito’y sinasagasaan.
Ngunit paulit-ulit ito’y bumabangon.


Mayroong galis at buhok na lagas-lagas.
Kinakain ay yung basurang nasa labas.
Kapag nahuhuli ito ay tumatakas,
Bagay na ginagawa para lang mabuhay.


Ang buhay ng tao ay parang isang askal
Kahit puro problema at sakal na sakal,
Nagpapalakas loob ng katulad sa bakal.
Tuloy ang buhay at pakikipaglaban.