Thursday, October 11, 2007

MAIKLING KUWENTO 2

Sakripisyo at Sikap
ni: Gabrielle Anne P. Cruzado

Isang mabait na ama si Protasyo. Siya ay masipag at maasahan. Gagawin niya ang lahat upang mapasaya ang kanyang mga anak. Kahit mahirap lamang sila, masayang pamilya ang makikita mo sa kanila. Ngunit hindi sa araw na ito.

Pagod na pagod na siya, naglalakad papunta sa isang magarang restawran. May hawak-hawak na baril at patalim. Siya ay nakasuot ng maskarang kulay itim. Binuksan niya ang pintuan, sabay pinaputok ang baril at sumigaw na "hold-up ito!"

Hindi naman niya gustong gawin ito. Ano nga ba ang nagtulak sa kanya?

Kaninang umaga nga lang ay masaya siyang umalis sa kanyang bahay, inaalala ang masasayang ngiti ng kanyang mga anak. Ngunit pagdating niya sa pinagtratrabahuhang pabrika, nalaman niya na nalugi ang kompanya at tanggal na siya sa trabaho. Tinanggap niya ang kanyang huling suweldo. Malungkot na hinahawakan ito, at inisip kung paano niya ipagkakasya ito sa isang buwang paghahanap ng bagong trabaho.

Naglalakad na siya sa kalye, bitbit ang huling suweldo sa bulsa. Ngunit bigla na lamang nahablot at nawala ito. Mabilis ang mga kamay ng magnanakaw. "Bakit ganito ang buhay?" Pagkatapos noon tumawag ang isa sa kanyang mga anak. "Kay sarap marinig ang tinig ng isang taong mahal mo. Ngunit ano ito? Isang masamang balita. Naospital daw si bunso dahil sa nasagasaan ng isang malaking trak"

Paano na ito? Walang trabaho, walang pera at puro problema. Mayroon ba siyang nagawang masama? Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Pagkaraan ng isang iglap, hawak- hawak na niya ang baril at lumabas sa kanyang bibig ang mga katagang "hold up ito!"


"Ito na lamang ang tanging solusyon sa aking problema. Ang magnakaw ng pera ng iba." Sabi ni Protasyo.

Nakita niya ang karatula sa la mesa ng restawran, "wanted waiter."
"Isa ba itong pahiwatig? Isang mas tamang solusyon sa aking problema?" tanong niya sa kanyang sarili.


Naliwanagan si Protasyo. Agad siyang tumakbo palabas. Nagtago. Hinubad niya ang maskara at itinago ang baril at patalim. Bumalik siya sa restawran at nag-aply bilang waiter. Isang panibagong simula at tamang desisyon ang ginawa ni Protasyo.


Isang mahalagang aral ang natutunan ni Protasyo ngayon. Sakripisyo at sikap ang solusyon sa problema.

No comments: